MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatutupad na sa darating na Lunes (Hunyo 8) ang modified unified vehicular volume reduction program (UVVRP) o modified number coding sa panahon ng COVID-19 pandemic, na inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC).
Batay sa MMDA Regulation 2020-001 series of 2020, ‘automatically exempted’ sa number coding scheme ang mga sumusunod:
Lahat ng pribadong sasakyan na may dalawa o mahigit sa sakay kabilang ang driver, may physical distancing at lahat ay nakasuot ng face masks.
Sasakyang minamaneho mismo ng may-aring doktor, nars at iba pang medical personnel.
Maging ang tinatawag na Authorized Persons Outside Residence (APOR), alinsunod na isinasaad sa latest guidelines ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ay exempted din.
Kailangan ding may signage na ilalagay ang operators ng transport network vehicle service (TNVS) para agad na matukoy na sila ay TNVS.
Ang nasabing regulasyon ay ‘ unanimously approved’ ng lahat ng 17 alkalde ng local government units (LGUs) ng Metro Manila sa idinaos na meeting ng MMC noong mayo 26, 2020 sa pamamagitan ng video conference.