Baranggay hall sa Pasig ipinasara

1 opisyal nagpositibo sa COVID
PASIG, Philippines — Isang barangay hall sa Pasig City ang pansamantalang ipinasara ng lokal na pamahalaan matapos umanong magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang barangay official nito.
Mismong si Pasig City Mayor Vico Sotto ang nagkumpirma hinggil sa pansamantalang pagsasara ng barangay hall ng Brgy. Sto. Tomas.
Ayon kay Sotto, magsi-self-quarantine na rin ang iba pang opisyal ng barangay, gayundin ang mga empleyado nito.
Isasailalim din aniya sa COVID tests ang lahat ng nakasalamuha ng barangay official na nagpositibo sa sakit.
“Ipapa-PCR test din natin ang lahat ng mga “close contacts” nung nag-positive. (Higit pa ito sa DOH protocol, pero gusto nating makasiguro),” dagdag pa ni Sotto.
“Don’t panic. Ginagawa lang natin nina Kapitana Eya ito para siguradong makakapag-quarantine test sila ng maayos,” aniya pa. “Salamat sa inyong pag-unawa at kooperasyon.”
Kaugnay nito, pinayuhan din ng alkalde ang mga residente na nais kumuha ng barangay clearance at may iba pang urgent concern sa barangay hall, na bumisita na lamang sa tanggapan ng Office of the City Administrator sa City Hall.
- Latest