^

Metro

Para solusyunan ang kakulangan sa transportasyon; 2 ruta pa sa Metro Manila, binuksan

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon
Para solusyunan ang kakulangan sa transportasyon; 2 ruta pa sa Metro Manila, binuksan
Muli rin namang humingi ang kalihim ng pang-unawa at paumanhin sa publiko hinggil sa naranasan nilang hirap sa pagbiyahe dahil sa kakulangan ng transportasyon.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Nagbukas ang pamahalaan ng dalawa pang ruta ng mga bus sa Metro Manila para tugunan at solusyunan ang problema sa transportasyon na naranasan ng mga manggagawa noong Lunes, sa unang araw ng implementas­yon ng general community quarantine (GCQ) sa rehiyon.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, kabilang sa mga binuksang ruta kahapon ay ang Angat, Bula­can patungong Quezon ­Avenue, Quezon City route at Dasmariñas, Cavite patungong Pa­rañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) route.

“Dahil sa eksperyensya kahapon ay nagbukas tayo ng dalawang ruta, antimano, ngayong araw na ito,” ani Tugade, sa panayam sa radio kahapon.

Muli rin namang humingi ang kalihim ng pang-unawa at paumanhin sa publiko hinggil sa naranasan nilang hirap sa pagbiyahe dahil sa kakulangan ng transportasyon.

“Ako ay humihingi ng pang-unawa at patawarin niyo kami, hindi namin kagustuhan ito,” aniya pa.

Ayon naman kay Transportation Assistant Secretary for Planning and Project Development Giovanni Lopez, ang pagbubukas ng dalawang bagong ruta ay napagkasunduan ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isang pulong nitong Lunes ng gabi.

Magiging bahagi aniya ang mga bagong bukas na ruta ng 31 rationalized routes para sa Metro Manila, na unti-unting magbubukas sa ilalim ng GCQ.

Nangangahulugan din ito na mas maraming bus ang ipapakalat nila para magsakay ng mga pasahero.

Nabatid na naki­pag-ugnayan na umano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus ­operators para i-secure ang 510 city buses para mag-operate sa Angat-­Quezon Avenue route, at 151 units naman para sa Dasmariñas – PITX route.

Nauna rito, maraming commuters ang nahirapang pumasok sa trabaho dahil sa limitadong kapasidad na maaaring isakay ng mga pampublikong transportasyon sa unang araw ng GCQ sa Metro Manila kamakalawa.

Sinabi ni Lopez na pinag-aaralan pa ng pamahalaan ang posibilidad na payagan ang mas marami pang public utility vehicles (PUVs), gaya ng jeepneys, na bumiyahe.

GCQ

METRO MANILA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with