MANILA, Philippines — Inumpisahan na ang pagtatayo ng dalawang housing building na tatawaging ‘Tondominium’ na pinondohan ng halos P1-bilyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa Tondo.
Isinagawa na kahapon ang “groundbreaking ceremony” sa Tondominium 1 at 2 sa Vitas, Tondo sa pangunguna ni Manila City Mayor Isko Moreno at Vice-Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Nabatid na nagkakahalaga ang Tondominium 1 ng P498,367,495.93 habang ang Tondominium 2 ay P498,348,932.55, ayon kay Manila Urban Settlements Office chief Atty. Cris Fernandez.
Tinatayang kayang maglaman ng 336 pamilya ng dalawang gusali kung saan kada unit na may sukat na 44 metro kuwadrado ay may tig-dalawang kuwarto.
“Today is the start of the new era, the new beginning that in every open space that we can made available, it will be build with housing in the City of Manila,” ayon kay Domagoso na nagsabi rin na inaasahang matatapos ang konstruksyon ng mga gusali sa loob ng dalawang taon.
Bukod sa Tondominium, nakatakda ring i-groundbreak ngayong buwan ng Hunyo ang Binondominium na itatayo sa Binondo; ang Bagong Ospital ng Maynila; at ang Bagong Manila Zoo.
Ang mga proyekto ay bahagi ng Build Build Manila program na layong maparami ang mga makabuluhang imprastruktura sa Maynila na magpapatuloy umano sa kabila ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).