Paglalagay ng bike lanes sa EDSA, pinaplantsa na

Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, luluwag at tataas ang kapasidad ng EDSA kung magkakaroon na ito ng bus at bike lanes.
Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Nagpaplano na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglagay ng bike lanes sa EDSA na siyang magpapaluwag at magpapataas sa kapasidad ng naturang lugar.

Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, luluwag at tataas ang kapasidad ng EDSA kung magkakaroon na ito ng bus at bike lanes.

Sinabi ni Villar na kasalukuyan nang nasa plano nila ang paglalagay ng bike lanes sa EDSA at maging sa iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.

“Meron nang bike lanes. Pero sa EDSA, nasa planning stage. Nakikipag-coordinate kami sa DOTr (Department of Transportation). Ang plano nila, ilalagay nila ‘yung mga dedicated bus lanes sa center line ng EDSA. At magkakaroon din ng isang lane na naka-allocate para sa mga bisikleta,” ayon kay Villar.

Ang naturang plano ay makaraang tumaas ang bilang ng mga gumagamit ng bisikleta ngayong panahon ng lockdown na inaasahang lalo pang dadami sa paglalagay sa Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) ngayong Hunyo 1.

Kasama sa pinag-aaralan ang paglalagay ng mga harang para maihiwalay ang mga bisikleta sa ibang behikulo na dumaraan sa EDSA.  Maaari rin umano na walang harang ngunit may guhit ang kalsada na magiging depende sa espasyo na makukuha.

Para sa bus lanes, pinag-aaralan din ang paglalagay ng bakod o ibang harang at pagda­ragdag ng mga istasyon bilang bus stops.  Kasama rin dito kung paano ang pagtawid ng mga pasahero buhat sa gilid ng EDSA patungo sa innermost lane kung saan ilalagay ang bus lanes.

“Actually nagkaroon din kami ng maraming mga ideas at plano kagaya ng elevated pedestrian lane pati elevated bike lane. Kaya siguro depende sa area kung saan ilalagay,” ani Villar.

Kasalukuyang hinahanapan pa ng DWPH ng pondo ang mga mabubuong proyekto.

Show comments