Baranggay sa Pandacan district naka-hard lockdown

Inaprubahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Exe­cutive Order No. 24 na naglalagay sa Barangay 847 sa Pandacan District makaraang hilingin umano ng barangay chairman nito.
Facebook/Isko Moreno Domagoso

MANILA, Philippines — Kasabay ng implementasyon ng general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region, isang barangay sa Maynila ang inilagay sa “hard lockdown” dahil sa biglaang pagputok ng mga kaso ng coronavirus disease (CO­VID-19) sa lugar.

Inaprubahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Exe­cutive Order No. 24 na naglalagay sa Barangay 847 sa Pandacan District makaraang hilingin umano ng barangay chairman nito.

Nabatid na nakapagtala ng apat na bagong kaso ng CO­VID-19 at anim pang Patients Under Investigation (PUI) sa natu­rang barangay.

Dahil dito, nababahala ang mga opisyal ng barangay sa lugar na lalo pa itong tumaas kung hindi mapipigilan ang paglabas ng mga tao.

Mag-uumpisa ang hard lockdown dito mula alas-12 ng madaling araw ngayong Hunyo 1 hanggang alas-11:59 ng hatinggabi ng Hunyo 2.

Sa ilalim ng hard lockdown, hindi muna papayagang makalabas ng kanilang bahay ang mga residente sa loob ng 48-oras maliban sa mga may “exemptions” tulad ng mga militar, pulis, barangay officials, health workers, utility workers, essential workers at media.

Show comments