MANILA, Philippines — Timbog sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si ‘Ador Mawanay’ ang kontrobersiyal na dating star witness laban kay dating PNP Chief at ngayon ay Senator Panfilo Lacson.
Si Mawanay na Antonio Luis Marquez ang tunay na pangalan ay nadakip ng CIDG dakong alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa Chestnut St. Greenwood Subd. Pasig City.
Ang pagdakip kay Mawanay ay bunsod ng ikinasang ‘Oplan Pagtugis’ ng CIDG bunsod ng warrant of arrest sa kaso niyang estafa laban sa kanya.
Nabatid na ang mamdamiyemto de aresto laban kay Mawanay ay inisyu ni Antipolo City RTC- 4th Judicial Region Branch 100 Presiding Judge Ma. Consejo Gengos Ignalaga noong Hunyo 27, 2017.
Kasalukuyang nakakulong si Mawanay sa selda ng Anti-Organized Crime Unit-CIDG sa Camp. Crame.
Magugunita na si Mawanay ang nagbunyag noon ng pagkakaroon umano ni Sen. Lacson ng multi-million dollar account sa abroad dahil sa umano’y pagkakasangkot ng dating Philippine National Police chief sa kalakaran ng ilegal na droga, kidnapping at smuggling.
Malaunan ay binawi ni Mawanay ang akusasyon at sinabing pakana ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang pagkaladkad kay Lacson sa droga. Mariin namang itinanggi ng mister ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang paratang ni Mawanay.