MANILA, Philippines — Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na dapat na maparusahan ang isang konsehal sa Pasay City na nakuhanan sa isang video habang nagagalit at nagmumura nang magsagawa umano ng rapid testing sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga health workers sa munisipyo nang walang paalam.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, posibleng nag-ugat sa “miscommunication” ang insidente noong nakaraang Martes at marahil ay maling venue ang session hall.
Wala rin naman umanong nakitang diskriminasyon si Año at wala rin namang personal na sinabihan ang konsehal.
Gayunman, labis aniya ang pagmumura nito kaya’t marapat lamang na may mailagay na sanction dito.
“Masyadong excessive iyong pagmumura ni city councilor kaya dapat mayroon din tayong mailagay na sanction dito,” ani Año. “Kahit may ganyang hindi pagkakaunawaan, hindi mo iyan dapat minumura at iniintindi mo rin ‘yan at aalamin mo kung anong naging dahilan d’yan.”
Kaugnay nito, ipinauubaya naman ng DILG kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang imbestigasyon laban kay Konsehal Moti Arceo, na una nang umamin na uminit ang ulo niya dahil wala aniyang konsultasyon at paalam ang city health office nang magsagawa ng rapid testing sa session hall.
Nilinaw rin ni Arceo na wala siyang minurang health worker sa video. Ekspresyon lamang din aniya niya ito ng galit dahil ang pangunahin aniyang ahensiya na dapat mag-lead ng laban sa COVID-19 ay tila sila pang nagiging pabaya.