Food security task force itinatag sa Quezon City
QUEZON CITY, Philippines — Itinatag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang QC-Food Security Task Force na magtitiyak ng seguridad sa pagkain sa lunsod.
Tinitiyak nito sa mga residente na may sapat na pagkain ang bawat pamilyang tagalunsod sa panahon na lumalaban ang bansa sa Covid-19 pandemic.
Ayon kay Belmonte, ang task force ang magpapalakas sa kapabilidad ng lokal na pamahalaan na makapag-produce ng kanilang sariling pagkain sa panahon ng krisis.
Una nang nakipagkasundo ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa Department of Agriculture (DA) para magkasamang mapagtagumpayan ang urban agriculture initiatives na eengganyo sa mga taga-QC na pumasok sa home gardening, community nurseries, at urban aquaculture para mapalakas ang household food security.
Nailunsad ng QC ang libreng binhi program na nagkakaloob sa mga residente ng lunsod ng urban farming starter kits. Sa ngayon ay may 6,612 starter kits ang naipamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng QC.
Ang task force ay may mandato na bumuo ng city’s food security plan para sa mga lugar na akma sa pagkakaroon ng urban farming, pagkakaroon ng ugnayan sa agricultural provinces at sa pagpapasigla ng agriculture zones at food zones para sa pagkakaroon ng direct trade at value-added processing ng mga pagkain.
Bukod sa pagtataguyod ng urban agriculture, agricultural inputs creation, at pagkakaroon ng animal production, ang task force ay makikipagtulungan din sa legislative committees, sectoral representatives mula sa agri-business, farmer’s organizations, at civil society organizations para masiguro ang long-term food security.
Ang QC-FSTF ay layong makamit ang Zero Hunger initiatives, isa sa Sustainable Development Goals of the United Nations (UN) para wakasan ang kagutuman sa bansa.
- Latest