Tricycle balik-biyahe na sa Pasig, Marikina
MANILA, Philippines — Simula bukas, Mayo 18, ay papayagan na ring bumiyahe ang mga tricycle sa lungsod ng Pasig, kasunod na rin ng pagsasailalim sa Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Inianunsiyo na rin ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga panuntunan na dapat sundin ng mga tricycle operators at drivers upang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Kasama aniya rito ang mga guidelines na inaprubahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan isang pasahero lamang kada tricycle ang pinapayagan, maliban na lamang kung may medical emergency at kailangan ng pasyente ng kasama.
Dapat ding may harang o barrier sa pagitan ng motorsiklo at sidecar para matiyak ang physical distancing sa driver at pasahero.
Dapat ding regular na i-disinfect ng driver ang kanyang tricycle units ng minimum na dalawang beses sa isang araw, gamit ang disinfectants na ipagkakaloob naman ng lokal na pamahalaan.
Nabatid na papayagan din lamang ang mga tricycle na bumiyahe mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Sa Marikina, simula naman ngayon ay papayagan na rin ang pagbiyahe ng mga tricycle at pedicab, ayon kay Mayor Marcy Teodoro.
“Bahagi ito ng phased transition ng lungsod mula ECQ sa modified ECQ papunta sa new normal. Inaasahan natin na susunod ang mga TODA at PODA sa health at safety guidelines at sa social distancing measures”, dagdag pa ni Teodoro.
- Latest