Lansangan sa Metro Manila ‘buhay’ na naman!
Sa unang araw ng MECQ
MANILA, Philippines — Nagsimula na ang unti-unting muling ‘pagkabuhay’ at pagiging abala ng mga lansangan sa Metro Manila, simula kahapon.
Ito’y matapos na magpasya ang pamahalaan na i-relax ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa Kamaynilaan at gawin na lamang na modified ECQ simula kahapon.
Dumagsa ang marami sa mga palengke sa Maynila, QC, Pasig at Mandaluyong, pero tiniyak naman ng mga awtoridad na mahigpit pa rin ang ipinapatupad nilang mga safety measures para maiwasan ang posibleng hawahan ng virus.
Ilan sa mga panuntunan na dapat sundin ng mall goers ay ang pag-obserba sa social distancing at palagiang pagsusuot ng face mask.
Nagpakalat din ang mga mall ng safety protocol officers upang matiyak na malayo sa isa’t isa ang mga shoppers.
Mayroon din namang mga alcohol at sanitizers na inilagay sa mga pasukan at labasan ng mall, habang may disinfection team din na tumitiyak na lahat ng hawakan ng pintuan at iba pang common areas ay malinis mula sa virus.
Pinilahan na rin naman ng mga mamimili maging ang mga tindahan ng alak sa ilang lungsod, kasunod na rin nang pagtatanggal na ng liquor ban.
Dahil weekend, hindi naman muna nagbukas ang malalaking shopping centers sa Taguig City habang inihahanda pa ang health protocols laban sa virus.
Sa Pasay City, binuksan na rin ang ilang commercial establishment ngunit binalaan na muling ipasasara kung hindi tatalima sa mga ipinatutupad na health at safety standards laban sa COVID-19 kabilang ang pag-check ng body temperature ng mga pumapasok na kostumer, pagsusuot ng face masks at pag-obserba sa physical distancing.
Samantala, sa kalapit na lalawigan ng Rizal, namili rin ang mga residente mula sa mga tindahang pinayagan nang magbalik-operasyon.
Matatandaang dalawang buwang naka-ECQ ang Metro Manila kung saan naitala ang pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Kamakailan ay nagdesisyon naman ang pamahalaan na isailalim na lamang sa MECQ ang rehiyon nang unti-unti nang makapagtala ng pagbaba ng mga kaso ng naitatalang COVID-19 cases doon.
- Latest