MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Makati City Mayor Abigail Binay ang mga residente sa mga eksklusibong subdibisyon sa lungsod na kuwalipikado rin umano para sa P5,000 tulong-pinansyal sa kabila ng nakakataas na estado nila sa buhay.
Ikinatwiran ni Binay na nagbabayad din ng buwis ang mga residente sa mayayamang village.
Bagama’t hindi tiyak kung kukunin nga ng mayayamang pamilya ang P5,000 ayuda, maaari rin namang mag-aplay dito ang mga kasambahay na nakatira sa naturang mga subdibisyon.
Uumpisahan na ipamigay ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang ayuda sa darating na Biyernes sa pamamagitan ng kanilang “Makatizen cards”.
Ang mga walang card na nakatira sa lungsod ay maaari pa ring mag-aplay para sa financial assistance sa pamamagitan ng pagtungo sa Makati Web Portal, mobile application ng lungsod o sa mga forms na mahihingi sa mga barangay halls. Matatanggap ang pera sa pamamagitan ng GCash application.
Nilinaw ng alkalde na hindi kailangang mag-unahan ang mga taga-Makati sa pag-aaplay dahil sa lahat umano ay makatatanggap ng cash aid dahil sa na-assess na umano ang mga kuwalipikado at nabilang ang dami ng maaaring makatanggap ng ayuda.
Aabot sa P2.7 bilyon ang inilaang pondo ng lokal na pamahalaan sa programa kaya kailangan lamang ng pasensya ng mga residente sa paghihintay ng kanilang cash aid.