Barangay chairman, 2 pa, igigisa sa kinulimbat na SAP
MANILA, Philippines — Nasa ‘hot water’ ang isang barangay chairman sa Caloocan City at dalawa niyang tauhan makaraang sapilitang kuhanan umano ng kalahati ang pondo sa social amelioration program (SAP) ng mga benepisyaryo.
Pinaiimbestigahan na ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sina Barangay 127 Chairman Lee Vitug, executive officer na si Vic Gaelo at isang nagngangalang Lina matapos lumutang ang isang video na nagpapakita na pumunta sa isang SAP beneficiary ang opisyal at sapilitang kinuha ang P4,000 ang ayudang natanggap nito para umano ipamigay sa ibang kuwalipikadong residente na hindi kabilang sa programa.
Narinig pa umano sa video na sinasabi ni Vitug sa benepisyaryo na siya ang nagbigay ng pangalan nito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngunit kailangang ibahagi ang kalahati nito, at nang matunugan ni Vitug na may kumukuha ng video ay umiskyerda ito at ang kanyang mga alalay.
Gayunpaman, isang hindi nakilalang lalaki ang bumalik sa eksena at pinilit ang benepisyaryo na ibigay sa kanya kahit kalahati ng P4,000 at dahil pakiramdam ay ginigipit na siya, nagbigay na ng benepisyaryo ng P2,000 sa mapilit na lalaki.
Pinabulaanan ni Vitug ang bintang at iginiit na tumulong lang sila sa DSWD sa pamamahagi ng cash assistance na direktang ipinagkakaloob sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Ayon pa kay Vitug, boluntaryong hinahatian ng ibang benepisyaryo ang ibang kuwalipikadong residente na hindi kasama sa listahan ng mga benepisyaryo.
- Latest