2 human traffickers, huli ng NBI
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang hinihinalang mga human trafficker na nag-aalok ng mga batang babae gamit ang social media sa ikinasang operasyon sa Quezon City.
Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor ang mga nadakip na sina Maricole Ramos at Alexander Peralta. Naaresto sila nitong nakaraang Martes sa isang apartelle sa Fairview, Novaliches, Quezon City.
Nasagip din sa naturang operasyon ang isang 17-anyos at 18-anyos na mga dalagita na ibinubugaw umano ng mga suspek.
Sinabi ni Distor na nakatanggap sila ng intelligence report nitong Abril 30 na isang grupo ang nagre-recruit at nag-aalok ng mga menor-de-edad na babae para sa ‘sex service’ gamit ang Facebook.
Naniningil ang mga suspek ng P3,000 kada transaksyon at gumagamit ng mga internet applications para makapag-book ng mga accomodation sa mga hotel, condominium, penthouse at apartelle.
Dito ikinasa ng NBI-Anti Human Trafficking Division at DOJ-Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (DOJ-IACAT) ang isang entrapment operation na nagresutla sa pagkakadakip sa dalawang suspek.
- Latest