Ex-pulis tumakas sa checkpoint, patay sa shootout

MANILA, Philippines — Isang dating pulis ang nasawi, habang arestado naman ang anak niyang criminology student na sinasabing tumakas sa ‘quarantine checkpoint’ dahil sa dalang kahon-kahong alak sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ang ex-cop ay nakilalang si Joselito Delos Santos, dating nakatalaga sa PNP Regional Personnel Holding and Accounting Unit habang naaresto naman ang anak niyang si  Jason Delos Santos, 24,  kapwa residente ng  #84 Salvador St, Baesa, Caloocan City.

Ang barilan ay naganap C5 Road South bound, sa Brgy Ugong, Pasig City, kung saan napatay ang dating pulis dakong alas- 7:45 ng umaga.Ayon sa report, nagsasagawa ng checkpoint sa Circulo Verde, Brgy Bagong Bayan, ­Quezon City, ang mga pulis ng Eastwood Police Station 12 ng ­Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni PLt Mark Manuel, nang parahin ang green Delica Van na may plakang Mo. XCV 512. Subalit sa halip na huminto ay pinaharurot pa ni Joselito ang minamanehong van kaya hinabol ito ng mga awtoridad ng Eastwood Police, hanggang sa umabot sila sa  C5 road, south bound, sa harap ng  Subaru Car Dealership, Brgy Ugong, Pasig City, nang tumama ang sasakyan ng dating pulis sa center island. Doon na nagkaputukan ang magkabilang panig at nasapol ang dating pulis.

Naisugod pa si Joselito sa Rizal Medical Center subalit binawian din ito ng buhay. Sugatan naman si PCpl Villamor Talosig at ngayon ay inoobserbahan sa Medical City Pasig, habang naaresto ang batang Delos Santos.

Show comments