MANILA, Philippines — Inaresto kahapon si dating Senador Jinggoy Estrada dahil sa umano’y paglabag sa quarantine protocols habang namimigay ng pagkain sa mga residente ng San Juan City.
Sa isang video na ipinost sa Facebook ng anak ni Estrada na si Janella, ipinaliwanag ni San Juan Police Chief Police Colonel Jaime Santos sa dating pulitiko na inaresto siya dahil sa paglabag sa social distancing measures.
Habang isinusulat ito, nasa San Juan City Police si Estrada at si Janella na dating vice mayor ng lunsod kasunod ng pag-aresto sa kanya sa Barangay Salapan.
“May nakarating na reports as well as photos na violated ‘yung social distancing saka ‘yung proper handling of food,” ani Santos.
Sa isang video, makikita ang mga residente na nakapila malapit sa isa’t-isa habang namimigay naman ng mga bangus si Estrada.
Maya-maya umano ay dumating na si Santos at “inimbitahan” ang dating senador sa istasyon ng pulisya.
Kinumpiska rin ang mga food items na ipinamimigay nito.
Nilinaw naman ni Estrada na wala siyang ginawang na paglabag dahil nakasuot siya ng face mask at personal protectice equipment (PPE) habang namamahagi ng relief goods.