Walang masakyan patungong ospital
MANILA, Philippines — Pinuri ni National Capital Region Police Office Chief Police Major General Debold Sinas ang kabutihang-loob ng kanyang mga tauhan sa iba’t ibang pamamaraan nang saklolohan ang manganganak na babae na walang masakyan patungo sa ospital sa Navotas City kamakalawa.
Nasa maayos na kalagayan ang ina na inulat lamang sa pangalang “Ms. Cabisas” at ang sanggol sa Tanza Lying in Clinic sa Sampaguita St., Navotas City.
Nitong Mayo 2, 2020 nang madaanan ng mobile patrol ng Navotas Police ang buntis at kasama nito sa Barangay Tanza 2.
Agad na tinugunan nina P/Executive Master Sgt. Caisip, Corporal Gergmar Arconcel at Corporal Harry Alejandro ang hiling na madala si Cabisas sa ospital subalit minuto lamang ay iniluwal ang sanggol mula sa sinapupunan habang sakay pa ng patrol car.
Naisugod naman agad sa nasabing lying in clinic si Cabisas para sa medical intervention.
Ikinatuwa ni Sinas ang naging aksiyon ng mga tauhan ni Navotas Police chief, PColonel Rolando Balasabas sa pagkakaloob ng mahusay na serbisyo sa oras ng kagipitan.