Tondo fire: 6 patay

Ang isa sa anim na nasawi sa sunog na naganap sa Tondo makaraang marekober ng mga bumbero.
Kuha ni Edd Gumban

MANILA, Philippines — Anim katao kabilang ang isang senior citizen ang nasawi nang makulong sa kanilang natutupok na mga bahay sa sunog na naganap sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.

Inisyal na kinilala ang mga nasawi na sina Remedios Pacia, 70; Eugenio Pacia, 48; Nathalie Nicole Sorbito, 17; Shane Bernadette Sorbito, 16; Elizabeth Mendoza, 48 at Janet Rosales, 49.

Sa ulat ng Manila Fire District, dakong alas-6:37 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Tioco cor. Tapuri Streets, Brgy. 89 Zone 8 District 1, Tondo na pag-aari ni Alfredo Estabillo at kaniyang pamilya.

Agad na lumaki ang apoy at kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.  Agad namang nakontrol ng mga bumbero ang apoy dakong alas-7:17 ng umaga at ganap na dakong alas-7:52 ng umaga.

Nabatid na walong bahay lamang ang natupok sa insidente at nasa 20 pamilya ang nawalan ng matitirhan pero sa kasawiang palad anim ang nasawi na sinasabing hindi na nagawang makalabas ng bahay dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.

Patuloy na inaalam ang pinagmulan ng sunog.

Samantala, nangako naman ng agarang tulong si Manila City Mayor Isko Moreno sa mga pamilyang apektado. Dinala ang mga pamilya sa covered court ng Brgy. 91 na nilagyan ng mga evacuation tents at dito bibigyan ng kanilang pangangailangan tulad ng pagkain, tubig at medisina.

Nakatakda namang abutan ng ‘hard lockdown’ ang mga pamilyang nasunugan na tiniyak ng Manila Department of Social Welfare na mananatili at hindi dapat umalis sa naturang evacuation facility.

Nabatid na ipapatupad na sa Tondo district ang 48 oras na ‘hard lockdown’ sa darating na Linggo hanggang Martes.

Show comments