MANILA, Philippines — Upang magkaroon ng sapat na pagkain ang bawat pamilya at mawakasan ang kagutuman, magkakaloob ang pamahalaang lungsod Quezon ng Urban Agri Kits upang mabigyang pagkakataon ang mga taga-lungsod na makapagtanim ng sariling gulay sa ilalim ng ‘Joy of Urban Farming program’ at sa tulong ng Department of Agriculture (DA)
May 6,000 starter kits ang ipamamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga taga-QC.
“We want to make sure that our people will have access to a healthy and safe source of food even during this pandemic. Through this #GrowLokal program, they can now grow their own vegetables,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
Ang #GrowLokal: Libreng Binhi Starter Kit ay kapapalooban ng ibat -ibang uri ng gulay tulad ng talong, okra, kamatis, pechay, mustasa, ampalaya, kangkong, 2 kilo ng organic fertilizer, 3 potting bags, at guide sa tamang pagtatanim ng gulay.
Pinasalamatan din ni Belmonte ang pagkilala ng DA sa ‘Joy of Urban Farming’ project na sumusuporta sa agriculture sector.
Sinabi ni Belmonte na ang programa ay isa sa inisyal na hakbang na ipatutupad ng QC Food Security Task Force upang mapunan ang Zero Hunger initiatives, isa sa sustainable development goals ng United Nations upang mawakasan na ang gutom, magkaroon ng food security, mapasigla ang nutrisyon at mai promote ang sustainable agriculture sa QC.