MANILA, Philippines — Tinuluyan nang sinampahan ng patung-patong na kasong kriminal ng Makati City Police ang Espanyol na si Javier Salvador dahil sa umano’y pagiging arogante at pambabastos sa isang pulis na sumita sa kaniyang kasambahay sa paglabag sa panuntunan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nabatid na sinampahan ni M/Sgt. Roland Madrona si Salvador sa Makati City Prosecutor’s Office ng mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority), Republic Act 11332 Sec. 9e, Makati City Ordinance 2000-089 (not wearing of face mask) maging ‘unjust vexation at direct assault’.
“Hindi puwedeng binabastos ang mga pulis ng ganun-ganon lang. Sa ibang bansa, ‘pag sinagot mo lang ang pulis ay posas na ang kasunod. This is a warning to all abusadong foreigners,” ayon kay Makati City Police chief, PCol Rogelio Simon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Makati City Police sa Bureau of Immigration (BI) para mabatid kung legal ang pananatili sa bansa ni Salvador at mga posibleng aksyon laban sa naturang dayuhan.
Kaugnay nito, nagpalabas rin ang BI ng paalala sa mga dayuhang nananatili sa Pilipinas na sakop rin sila ng ipinatutupad na ECQ at iba pang batas sa bansa. Nagbabala si BI Commissioner Jaime Morante na ang pagsuway sa ECQ laws ay maaaring maging dahilan ng pag-aresto at deportasyon sa kanila.