Nandorobo sa SAP form, nabuko

Mismong si Navotas City Mayor Toby Tiangco ang nagbulgar ng panloloko sa programang SAP ni Honorato Ramos Vicente at asawang si Sonia na parehong nagfill -up umano ng form. Isa nakatira raw sa San Rafael Village habang ang isa naman ay nakatira umano sa Tanza.
Philstar.com/Era Christ R. Baylon

MANILA, Philippines — Nabuking ang panloloko ng ilang residente kabilang ang dalawang opisyal ng barangay sa pagkuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa naranasang krisis dala ng COVID-19 sa Navotas at Valenzuela City.

Mismong si Navotas City  Mayor Toby Tiangco ang nagbulgar ng panloloko sa programang SAP ni Honorato Ramos Vicente at asawang si Sonia na parehong nagfill -up umano ng form. Isa nakatira raw sa San Rafael Village habang ang isa naman ay nakatira umano sa Tanza.

“Manloloko. Alam naman na 1 form bawat pamilya, tapos nagfill -up ng dalawang form. Kaya pala pati form nagkulang at yung iba ay walang natanggap na form. Ang balita ko po ay itong si Honorato ay Barangay Administrator ng Barangay San Rafael Village. Isipin niyo imbes na paglingkuran ang tao, siya pa mismo ang nanloloko at nananamantala,” ani Tiangco.

Paliwanag ni Tiangco ang pirma at deklarasyon ay nangangahulugan ng pagbibigay ng totoong impormasyon.

Dinakip naman ng pulisya sa Valenzuela ang isang 39-anyos na barangay tanod habang nagbibigayan ng cash sa Holy Cross Credit Corporation Gymnasium, Brgy. Gen. T. De Leon.

Napag-alaman na ang suspek at ang asawa nito ay kapwa nagsubmit ng magkahiwalay na SAP form at parehong nakatakdang kumuha ng cash. Malinaw na ito ay paglabag sa polisiya ng naturang programa na isang form kada pamilya lamang ang pinapayagang ipasa.

Kaugnay nito, isang 31-anyos na tattoo artist ang kusang loob naman na nagtungo sa tanggapan ng City Social Welfare and Development upang isauli ang halagang P8,000 na aniya’y tinanggap nila ng kanyang ka-live in mula rin sa SAP.

Personal nitong inamin kay Mayor Rex Gatchalian na nakakuha sila ng kanyang live-in partner ng halagang P16,000 para sa dalawang form na kanilang ipinasa.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagdeklara ang magka-live in ng magkaibang address at idineklara din nilang pareho silang ‘head of the family’ .

Show comments