MANILA, Philippines — Kabuuang 50 doktor, nurse, iba pang medical personnel at empleyado ng Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Bunsod nito ay limitado na lamang na pasyente ang tinatanggap sa nasabing pagamutan.
Sa isang pahayag na nilagdaan ni Dr. Zaldy Carpeso, na siyang medical director ng MCMC, sinabi nito na may tatlong buwan na ang laban sa COVID- 19 pandemic at sa mga panahong ito ay isa ang MCMC sa mga ospital na maraming pasyente ang isinusugod sa kanila.
Ani Dr. Carpeso, hindi anila maiiwasang maging mga doktor, nurse at iba pang empleyado ng ospital ay mahawa sa virus.
Nilinaw naman ng MCMC na tatanggap pa rin naman sila ng mga pasyente, ngunit yaong kritikal at emergency cases lamang, sa loob ng 30 araw.
Layunin anila nito na mabigyan ng panahon ang kanilang mga tauhan na makapagpagaling.
Tuloy-tuloy naman ang pag-disinfect ng kanilang pasilidad para mapatay ang ano mang virus at matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.