MANILA, Philippines — Upang higit na mas mapakinabangan, ginawang isang coronavirus disease 2019 (COVID-19) treatment facility ang Eva Macapagal Super Terminal sa Port Area para mapalakas ang kapabilidad sa paggamot sa sakit sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Nagbukas na noong Martes ang pasilidad na may 211 cubicles na kayang tumanggap ng mga kumpirmado, suspect at probable na mga kaso ng COVID.
Pinondohan ang konstruksyon ng 2GO at Asian Terminals Inc. (ATI) na nagkaloob ng P100 milyon kasama na ang mga medical equipments sa koordinasyon ng Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).
Samantala, natapos na rin ang konbersyon ng Philippine International Convention Center (PICC) bilang isang quarantine facility.
May 294 beds ang pasilidad na handa nang tumanggap ng mga pasyente sa oras na mapuno ang ibang mga pasilidad sa National Capital Region.