Condo, iba pang gated communities, ‘di exempted sa ECQ-NCRPO

Sa direktiba ni Sinas, dapat aniyang tiyakin ng lahat ng police districts ay makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) na nakasasakop sa exclusive communites.
The STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Iniutos ni NCRPO chief, Major General Debold Sinas na mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng kampanya laban sa mga susuway sa umiiral na enhanced community qua­rantine (ECQ) at kaugnay na batas maging sa loob ng mga gated villages, condominiums at iba pang exclusive communities sa Metro Manila.

Sa direktiba ni Sinas, dapat aniyang tiyakin ng lahat ng police districts ay makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) na nakasasakop sa exclusive communites.

Samantala, sa ulat ni Bonifacio Global City (BGC) Taguig City, Police Community Commander, P/Major Joseph Austria, nakatanggap sila ng tawag mula sa Office of the City Mayor ng Taguig hinggil sa idinulog na reklamo na mga paglabag sa ECQ protocols nitong Linggo, Abril 19, 2020 sa loob ng ilang condominiums dito.

Tinukoy sa reklamo ang patuloy umanong operasyon ng public amenities partikular ang swimming pool kung saan may mga taong naroroon, na hindi nakasuot ng face masks at magkakalapit.

Napilitan na respondehan ito ng Taguig PCP  para i-validate ang reklamo at humingi ng incident report sa management ng mga establisimento.

Dahil sa kawalan ng aksiyon ng isa sa condo, napilitan si  P/Major Austria na personal na tunguhin ito kung saan nasaksihan  nila ang ilang tenant  na nasa swimming pool at di nakasuot ng face masks kaya pinagsabihan na bumalik sa kanilang mga unit dahil sa paglabag sa ECQ ang kanilang ginagawa.

Sa halip, ang property manager ang nakipag-usap at nagalit pa kay Major Austria at nagsabi na COVID-19 free ang kanilang komunidad  kaya napilitang lisanin ng grupo ni Austria ang lugar upang hindi na mauwi sa matinding pagtatalo.

Dahil dito, inimbestigahan na ng BGC PCP-7 ang insidente at pinag-aaralan ang isasampang reklamo laban sa pamunuan ng condo.

Kaugnay nito, isa sa miyembro ng BGC Residents viber group ng nasabing condominium ang nagbun­yag na may katotohanan ang mga paglabag ng ilang tenants sa protocol ng ECQ at katunayan ay nakapost pa umano sa kanilang viber group chat ang naka-post na larawan na nag-eenjoy sa swimming pool area ang ilang tenants.

Show comments