Laban sa mga pasaway
MANILA, Philippines — Iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Major General Debold Sinas ang pagbuo ng social distancing patrol na tututok sa mga pasaway habang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) .
Kasunod ito ng mga napapaulat na marami ang sumusuway sa ipinatutupad na social o physical distancing sa mga palengke at iba pang lugar kung saan madalas magtipun-tipon ang mga residente.
Ilan dito ang mga naaresto sa pagsasabong sa ilang lugar sa Metro Manila, ang nagpaboksing sa isang barangay sa Tondo at siksikan sa mga palengke.
Ayon sa kautusan ni Sinas, dapat ang lahat ng police stations sa NCR ay magde-deploy ng 2 hanggang 4 na pulis na may hawak na stick para magpatrulya sa mga palengke at manita sa mga hindi sumusunod sa physical distancing. Kailangan na nakasuot ng proper uniform, may suot na facemasks at gloves na tatawaging ‘social distancing ambassadors”
Layunin nito na maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na maaring bunga ng gawain ng mga taong pasaway.