MANILA, Philippines — Inihayag ng Navotas City na ipinagbawal na ang anumang uri ng diskriminasyon laban sa mga health care workers, Overseas Filipino Workers, at pasyenteng maaari o positibong may COVID-19 o gumaling na rito.
Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng City Ordinance No. 2020-16 ay pagpuwersa, libelo, cyberlibel, paninirang-puri, pisikal na pang-aabuso, at paglabag sa kontrata tulad ng upa o pagtanggal ng trabaho sa mga nabanggit na indibidwal.
Ipinagbabawal din ng ordinansa ang pagtanggi ng access sa mga pampublikong programa o serbisyo na karaniwang ibinibigay sa publiko, at ang hindi pagpapapasok, pagpapaalis o pagbibigay ng mas mababang kalidad ng serbisyo ng mga establisimiyentong residensyal, komersyal o medical.
Dagdag pa rito, pinarurusahan din ng ordinansa ang pagtanggi sa access o sa paggamit ng pribado o pampublikong establisimento, pasilidad, utilities, o serbisyong pang-transportasyon na karaniwang inihahandog sa publiko.
Ang mga lalabag dito ay maaaring patawan ng P1,000 multa o 1-30 araw na pagkabilanggo para sa unang paglabag, P3,000 multa o 1-30 araw na pagkabilanggo para sa ikalawang paglabag, at P5,000 multa o 1-30 araw na pagkabilanggo para sa ikatlong paglabag.
Sakaling menor de edad ang lumabag, ang mga magulang o guardian niya ang magbabayad ng penalty.