Punerarya, crematorium na tatanggi sa bangkay ng COVID-19 victims, parurusahan
Ordinansa ipinasa sa Quezon City
MANILA, Philippines — Nagpasa ng isang ordinansa ang Quezon City government na nagpapataw ng parusa sa mga punerarya at crematoriums na tatanggi sa mga bangkay ng mga naging biktima ng COVID-19.
Inaprubahan na ni QC Mayor Joy Belmonte ang naturang ordinansa na nagtatatag ng protocols kaugnay sa mga nasawi sa COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng ordinansa, hindi umano dapat na tanggihan ng mga punerarya at crematoriums ang mga nasawing COVID-19 patients dahil lamang sa takot na mahawa sa infection o iba pang kadahilanan.
Kasabay din nito, nakapaloob sa ordinansa na pinagbabawalan ang mga punerarya at crematoriums na magtaas ng kanilang service fee sa panahon ng pandemic.
“Layunin natin dito na maprotektahan ang mga nagdadalamhati na pamilya ng mga nasawi sa COVID sa mga mapagsamantalang funeral parlors at crematoriums na imbes na tumulong ay nagsasamantala pa sa sitwasyon”, pahayag ni Belmonte.
Kasabay naman nito, nag-isyu rin si Mayor Belmonte ng protocols para magabayan ang may 14 na national government-run hospital sa lungsod sa paghawak sa COVID-related deaths.
“We have crafted guidelines to make sure that the cadavers are efficiently managed within our city”, dagdag pa ni Belmonte.
Hinikayat ni Belmonte ang mga ospital na sundin ang 12-hour period para sa cremation sa ilalim na rin ng guidelines ng DOH.
Kailangan umano na magkaroon ang bawat government hospitals ng point person na siyang magrereport sa city government sa lahat ng unclaimed COVID-19 cadavers sa tama at itinakdang oras.
Sa huli, ipinaalala nito na kailangan umanong matiyak ng mga ospital na ang mga labi ng COVID-19 patients ay maayos na mailalagay sa morgue na naka-freezer habang naghihintay sa schedule ng cremation o retrieval.
- Latest