MANILA, Philippines — Nasa 40 pamilya ang nawalan ng kanilang tirahan makaraang tupukin ng isang sunog ang kanilang mga tahanan sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Sinabi ni F/Supt. Gerandie Agonos, hepe ng Bureau of Fire Protection sa Manila, nagsimula ang sunog sa may Delpan Street, Tondo dakong alas-9:32 ng umaga at mabilis na umakyat sa ikatlong alarma dakong alas-8:36 ng umaga.
Dahil sa mabilis na responde at maagap na pag-contain sa apoy, idineklara ni Agonos na fire control ang sunog alas-10:41 ng umaga.
Agad namang iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Social Welfare Department (MSWD) at Manila Disaster Risk Reduction Management Office na ilikas sa Baseco Evacuation Center ang mga pamilyang apektado ng sunog para rito sila mabigyan ng ayuda.
Ipinaalala ni Moreno na magpatupad pa rin ng ‘physical distancing’ ang mga pamilyang nasunugan sa loob ng evacuation center.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng apoy.