MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno ang 24-oras na pagpapasara sa isang barangay sa Tondo makaraang mapanood ang isang video ng pa-boksing, pa-bingo at tahasang paglabag ng mga residente sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa inilabas na Executive Order No. 19 na pinirmahan ni Moreno nitong Lunes ng gabi, inilagay sa ‘total shutdown’ ang Barangay 20 mula alas-8 ng gabi ng Abril 14 hanggang alas-8 ng gabi ng Abril 15. Nangangahulugan ito na mas mahigpit ang pagpapatupad na manatili sa loob ng kani-kanilang bahay ang mga residente.
Ipinag-utos rin ang pagpapasara sa lahat ng establisimentong komersyal, industriyal, pagtitinda, institusyunal at iba pang aktibidad sa loob ng barangay habang naka-shutdown ito.
Ipinag-utos din ni Moreno ang pagsasagawa ng ‘disease surveillance, testing at rapid risk assessment operations’ sa naturang barangay dahil sa pangamba na nagkahawahan na ang mga pasaway na mga residente ng virus.
“A video was posted on Facebook showing a group of more or less one hundred people, including children, participating and spectating in what appears to be an informally organized boxing match by the side of the street. The video shows blatant violations of the enhanced community quarantine guidelines and social distancing protocols thereby creating immense risk of exposure and contraction of COVID-19 to those involved in the event,” ayon sa alkalde.