‘Alak con thinner’: 2 patay, 1 kritikal

‘Di nagpaawat sa pag-inom kahit lockdown

MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kondisyon nang tumagay ng inumin buhat sa pinaghalu-halong sangkap kabilang ang paint thinner, kamakalawa sa Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rainer Mariano, alyas Rene, 52, at Quirino Lagrimas, alyas Boboy, kapwa nakatira sa Block 9 Baseco Compound, Port Area, ng naturang lungsod.  Ang ikatlong biktima na si Dande Corucoto, 40, ay isinugod sa Philippine General Hospital at nasa kritikal na kondisyon.

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD), dahil sa ipinatutupad na liquor ban bunsod ng lockdown, nakaisip ang tatlong magkakapit-bahay sa Baseco Compound na gumawa ng sarili nilang inumin mula sa pinaghalo-halong kape, suka at softdrinks.  Ilang araw na nila itong iniinom at hindi nakuntento kaya hinaluan nila ng paint thinner nitong Linggo ng gabi.

Alas-10 ng Lunes ng umaga nang makita ng mga kaanak si Mariano na wala nang buhay at bumubula ang bibig.  Habang si Lagrimas ay nawalan muna ng paningin at magpupunta sana sa ospital nang mawalan ng malay sa kalsada at tuluyang masawi.

Show comments