Retail operation sa Balintawak market ipinatigil
MANILA, Philippines — Ipinatigil muna ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang retail operation o pagbebenta ng mga tingi sa mga palengke sa Balintawak na kinabibilangan ng Cloverleaf, North Diversion, Riverview I, Riverview II, Pilson’s, MC, at Edsa Bagsakan.
Ito’y matapos na makarating sa kaalaman ng alkalde na dagsa ang mga mamimili doon at nagkakaroon ng paglabag sa regulasyon hinggil sa physical distancing na ipinatutupad ng pamahalaan sa Luzon bunsod na rin ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Belmonte, ang papayagan lamang nilang pumasok sa palengke ay yaong bibili ng mga bultu-bultong paninda o ‘di kaya’y yaong magbabagsak ng mga produkto sa Balintawak markets na kilalang mga bagsakan ng mga produkto mula sa mga lalawigan.
Hindi na rin muna papayagang makapasok sa mga pamilihan, partikular sa bahagi ng Samson Road at EDSA, ang mga mamimili na tingi-tingi o pansariling konsumo lamang ang bibilhin.
“Napagkasunduan sa pulong na itigil muna ang retail operations o bentahan ng tingi sa mga palengke sa Balintawak,” anang alkalde.
Kaagad ring ipinasara ng mga lokal na opisyal ang mga retail stalls ngunit hindi pa batid kung kailan sila papayagang magbukas muli ng tindahan.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na ang mga retail vendors na maaapektuhan ng kautusan ay kanilang isasama sa kanilang QC Fresh Market on Wheels program.
Sinabi ni Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo na susunduin ng mga jeepneys, na inupahan ng city government, ang mga naturang tindero at ihahatid sa iba’t-ibang barangay kung saan nila maaaring ipagbili ang kanilang mga paninda.
Nagbabala rin naman ang mga opisyal na kaagad nilang ipasasara ang palengke kung mapapatunayang magkakaroon ng anumang paglabag ang mga ito.
- Latest