Barangay chairman nakatakas
MANILA, Philippines — Dalawa ang nadakma habang anim na sabungero pa ang nakatakas kabilang ang ilang opisyal ng barangay sa pagsalakay ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa tupada sa loob ng Manila North Cemetery, kamakalawa.
Sa ulat kahapon, nadiskubre ng SMaRT ang iligal na pagsasabong ng mga manok nang may mag-post sa Facebook na nagsasabing sa loob ng nasabing sementeryo ang nagaganap na tupada at kabilang ang ilang opisyal ng Barangay 129 ng Caloocan City.
Agad na ikinasa ang operasyon laban sa iligal na tupada sa utos ni SMaRT chief P/Major Rosalino Ibay Jr. at inalalayan ng Blumentritt Police Community Precinct (PCP) at Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Manila Police District , dakong alas 11:30 ng umaga ng Biyernes Santo (Abril 10) sa 29th Street, Manila North Cemetery.
Nadakip ang dalawang sabungero na kinilalang sina Christopher Fernandez alyas “Bong”, 43; at Ronnie Ignacio, 31, kapwa residente ng Manila North Cemetery, sa Sta. Cruz, Maynila.
Nakatakas ang limang sabungero na kinabibilangan ng chairman ng Brgy. 129 Caloocan na si Brix John Rolly L. Reyes; mga kagawad ni Reyes na sina Alfie Lacson; Romualdo Reyes alyas “Udong”; John Cris Domingo alyas “Tenga”; at alyas “Cabron” ng Brgy. 131 Caloocan City, na operator umano ng tupada; at isang alyas “Mac-mac” ng Brgy. 129.
- Latest