Renewal ng rehistro at drivers license na natapat sa panahon ng ECQ, walang penalty –LTO

MANILA, Philippines — Hindi kokolekta ng kaukulang halaga ng penalty ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista na natapat  ang renewal ng rehistro ng sasakyan at renewal ng drivers license  sa panahon na ipinaiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng COVID-19 pandemic.

Kasama rin sa walang penalty ang pagkuha ng permit at clearances mula sa alinmang tanggapan ng LTO.

Sa ipinalabas na memorandum order na nilagdaan ni  LTO Chief Edgar Galvante, inatasan nito ang lahat ng Regional directors, Asst. Regional Directors, Operations Division, Regional Offices, Authorized District at extention Offices at sa lahat ng empleado nationwide na huwag kolektahan ng penalties ang late registration ng mga sasakyan at renewal ng drivers license habang ipinaiiral ang ECQ.

Nakasaad din sa memorandum  na-eextend ang vali­dity ng lahat ng student permit na mag aaplay ng divers license  at huwag suspendihin ang lahat ng Temporary Operations permit (TOP) hanggang ma-settled ito makaraang matanggal na ang ECQ .

Ang TOP ay ang kulay pink na resibo na iniisyu ng LTO sa mga pasaway na drivers na lumabag sa batas trapiko.

Show comments