Diskriminasyon sa mga frontliner, may katapat na kaso sa Parañaque
MANILA, Philippines — Binalaan ng Parañaque City Government ang sinumang gagawa ng anumang uri ng diskriminasyon laban sa medical at non-medical frontliners sa panahon ng public health crisis sa coronavirus pandemic, na mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Kamakalawa ng magpalabas ng Executive Order No. 27 si Mayor Edwin L. Olivarez na nagsasabing , “prohibiting any form of discrimination against medical and non-medical front liners and persons infected, under monitoring or investigation due to the COVID-19 situation.”
Anang alkalde, ang city health office ay nakatanggap ng mga ulat hinggil sa pagtanggi na isakay ang frontliners sa public transport at pagpapa-alis sa kanilang inuupahang lodging houses at apartment sa takot na makahawa sila.
“Sa halip na diskiminasyon at pagdirihan, dapat nating tratuhin ang mga frontliners na modern-day heroes dahil malaki ang kanilang naging contribution sa kasalukuyang public health crisis,” ani Olivarez.
Nakasaad sa Executive Order, na labag sa batas ang tatanggi na makakuha ng serbisyo ang isang frontliner na ang programa ay available naman sa publiko.
Hindi rin dapat na pagbawalan na makapasok ang frontliners sa public markets, supermarkets, groceries, bakeshops, at convenience stores.
Paglabag din kung ang frontliners ay tanggihan o paalisin sa mga paupahang lodging house, apartment, motel, hotel, inn, dormitory at iba pang katulad na lugar sa dahilan na siya ay isang frontliner.
Una nang nanawagan noong Sabado si Health Undersecretary at Spokeperson, Dr. Maria Rosario Vergeire sa local government units (LGUs) na magpasa din ng ordinansa tulad ng Manila City Ordinance No. 8624 o Anti-COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020 na nagbibigay ng proteksiyon at pagpapahalaga sa mga healthcare workers.
- Latest