P1-libo pa sa kada pamilya sa Maynila
MANILA, Philippines — Bukod sa food packs, magbibigay rin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng tig-P1 libo kada pamilya upang makatulong sa kanilang pangangailangan habang nananatili ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ay makaraang lumikha ang Sangguniang Panglungsod ng Ordinance No. 8625 o ang City Amelioration Crisis Assistance Fund na agad namang pinirmahan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Uumpisahan ang pamimigay ng naturang tulong pinansyal ngayong Martes (Abril 7) para makuha na ng mga pamilya ang pera bago sumapit ang Easter Sunday.
Nakasaad sa ordinansa ang pagpapalabas ng P591 milyong pondo para mabigyan ng tig-P1 libo ang nasa 568,000 pamilya ng lungsod. Kukunin ang pondo sa Office of the Mayor, Manila Department of Social Welfare at sa City Development Fund.
“House-to-house po (ang distribution), wala pong pila. Lahat ng itinala ninyo ay dapat n’yong bigyan isa-isa. Sila ay mag-iisyu ng resibo at acknowledgement receipt,” ayon kay Domagoso.
Ipinaalala ni Domagoso sa mga residente na huwag nang puntahan ang kanilang Barangay Hall dahil magiging “house-to-house” ang pagbibigay ng pera. Ngunit pamamahalaan pa rin ng mga Punong Barangay ang magbibigay ng listahan ng mga benepisaryo at sila rin ang magiging instrumento sa paghahatid ng pera.
Nabatid na ang Amelioration Fund ng Maynila ay hiwalay pa sa ibibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) base sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na P5 hanggang P8 libong tulong sa pinakamahihirap na pamilya.
- Latest