21 inaresto sa QC sa paggiit ng ayuda nagpiyansa, palalabasin
MANILA, Philippines — Bibigyan ng pansamantalang kalayaan ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit 20 residente ng Sitio San Roque sa Quezon City matapos arestuhin sa pagpro-"protesta" kahit bawal habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Matatandaang inaresto ng PNP ang 21 matapos magtipon sa kahabaan ng EDSA habang humihiling ng pagkain. Nagugutom na raw sila dahil wala pang relief goods sa gitna ng COVID-19 lockdown.
"Ang mga nasabing akusado ay PINAPAYAGANG bigyan ng pansamantalang kalayaan habang gumugulong ang kaso," sabi ni Presiding Judge Peter Filip Abelita sa mga dokumentong inilabas ng Save San Roque (SSR) sa Inggles.
Ipinagbabawal ang protesta at anumang pagtitipon ng maraming tao habang tumatakbo ang quarantine. Humaharap sa sari-saring kaso ang 21 dahil dito.
Kinumpirma naman ng Quezon City Police District (QCPD) sa panayam ng PSN ang paghahain ng piyansa ngayong araw.
"Pagkafile ng bail, iche-check po ang records nila kung walang pending warrant of arrest, maire-release sila today," ayon kay Police Lt. Johanna Sazon, hepe ng QCPD Public Information Office.
"On process pa po ang release nila."
Nag-ambag sa piyansa ng 21 ang artistang sina Jodi Santa Maria, Enchong Dee, Ria Atayde, pamilya ni Sen. Francis Pangilinan atbp. matapos maantig sa kwento ng mga gutom na residente.
Una nang sinabi ng tanggapan ni QC Mayor Joy Belmonte na hindi sila interesadong kasuhan ang mga nabanggit ngunit pursigido ang PNP sa reklamo.
Pahirapan bago palabasin?
Kahit pare-parehong mahihirap, siningil ng P15,000 bond money at P2,500 processing fee ang "San Roque 21," bukod pa sa iba't ibang dokumento na hinihingi ng Camp Karingal.
Hiningian pa raw sila ng mga waiver, house sketch, barangay certification of residency, clearance at siyam na kopya ng 2x2 photos.
Ayon sa SSR, ika-3 pa ng Abril nang maglabas ng court order ang Quezon City Regional Trial Court sa Brgy. Bagong Pag-asa para makakuha ng mga clearance bago ang 9:00 a.m.
Gayunpaman, tanghali na raw ito naasikaso at ayaw pa nga raw tanggapin dahil sa ilang teknikalidad. Napag-usapan na lang ito kinalaunan.
"Ipinakita ng buong proseso kung gaano ka-kontra-maralita ang kaalukuyang sistema ng hustisya," sabi ni Nanoy Rafael ng SSR na tumutulong sa paglabas ng 21.
"Mula sa bail bond, na katumbas ng lagpas sa buwanang sahod hanggang sa gabundok na rekisitos, lalong nailagay sa disadbentahe ang kanilang pamilya," ani Rafael.
Ayon naman kay Jmar Atienza, isa sa co-convener ng SSR, kabalintunaan na napakabilis arestuhin ng mga nabanggit ngunit napakatagal bago sila palabasin.
Ipinaabot naman ng SSR ang suportang ipinaabot ng taumbayan sa mga inaresto matapos ang kanilang pagkakahuli, na "warrantless" at "iligal" diumano.
- Latest