Limang staff positibo sa COVID
MANILA, Philippines — Pansamantalang isinara ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang Ospital ng Sampaloc makaraang limang staff nito ang naging positibo sa coronavirus disease (COVID-19). Kinumpirma ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang resulta ng COVID tests sa limang staff ng pagamutan ngunit hindi malinaw kung mga doktor, nurses o iba pang medical practitioner ang mga nagpositibo.
Dahil dito, isinailalim sa quarantine ang 14 na doktor, walong nurses at pitong administrative staff ng pagamutan para makatiyak na hindi magkakahawaan ng virus.
“Patients still undergoing treatment or resting have been transferred to other city district hospitals,” ayon kay Domagoso.
Inumpisahang isara na ang pagamutan mula nitong Abril 4 upang bigyan ng panahon ang doctors, nurses at iba pang healthcare workers/frontliners na makabawi sa pagkakasakit at maisagawa ang malawakan at masusing disinfection sa ospital.
Para sa konsultasyong Internal Medicine, Pedia, Obstetrics/Gynecology, Anesthesiology, Paanakan, at Medico-Legal Clearances ay maaaring gawin sa Ospital ng Maynila Medical Center, Justice Jose Abad Santos General Hospital at Ospital ng Tondo.
Samantala, pinuri ng Department of Health ang ipinasang “COVID-19 Anti-Discrimination Ordinance” ng Maynila para maproteksyunan ang mga pasyente, PUIs, PUMs at mga health frontliners laban sa anumang uri ng diskriminasyon o pag-atake sa kanila.
“Kinailangan ang hakbangna ito para maiwasan ang unfair treatment at krimen laban sa mga kababayan nating biktima ng virus na ito kabilang ang ating mga frontliner na instrument sa paglaban sa COVID-19,” sabi ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire.