Tondo barangay chairman nasa ‘hot water’
![Tondo barangay chairman nasa ‘hot water’](https://media.philstar.com/photos/2020/04/02/star_2020-04-02_19-26-58.jpg)
Sa maanomalyang listahan ng food pack
TONDO, Philippines — Pinagpapaliwanag ngayon ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD SMaRT) ang isang barangay chairman sa Tondo ukol sa sumbong ng maanomalyang listahan niya sa mga pamamahagian ng food packs na galing sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Tinukoy ni MPD-SMART head, Maj Rosalino Ibay Jr. na ang pinadalhan nila ng sulat ay si Brgy. 251 Chairman Reynaldo Angat matapos ang sumbong na marami sa kaniyang listahan ay pawang mga kaanak niya o kaya naman ay mga trabahador sa sarili niyang negosyo.
Sinabi ni Ibay na 29 na tao na nasa listahan ni Angat ay pare-parehong nakatira sa 1781 Almeda Street sa Tondo ngunit nakatala na buhat sa magkakaibang pamilya. Nabatid rin na ang address ay kinaroroonan ng pribadong negosyo ni Angat.
Nabatid na ang mga apelyido ng mga nakatala ay pawang mga Angat at Legaspi na mga kaanak diumano ng chairman habang ang ibang apelyido ay mga trabahador sa negosyong ‘auto repair works’.
Ipinaalala ni Ibay na maaaring maharap sa patung-patong na kasong paglabag sa Republic Act No. 11469 (Bayanihan to Heal as One Act), Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees), at Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang naturang chairman.
Nabatid naman na aabot na sa 168, 272 food boxes ang naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod sa mga residente habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ). Target ng lokal na pamahalaan na makapamahagi ng 350,00 food boxes para sa 1.8 milyong Manileño.
Alas-5 ng hapon ng Abril 1, nakapagtala na ang City Health Department ng 116 positibong kaso ng COVID-19 nang madagdagan ng 41 bagong kaso. Nasa 17 sa kanila ang nasawi na at 10 ang nakarekober. May kabuuang 298 Persons Under Investigation (PUIs) na rin sa lungsod.
- Latest