MALABON, Philippines — Pumalo na sa walo ang naitalang kaso ng COVID-19 positive sa Malabon City, kung saan dalawa sa mga ito ang nasawi.
Ayon sa huling ulat ng lungsod, kabilang ang tatlong kasong nadagdag ay si patient 6 na isang 77-anyos na lalaki at residente ng Brgy. Tañong na binawian ng buhay sa QC General Hospital.
Si patient 7 naman ay isang 42-anyos na babae na residente ng Brgy. Tinajeros habang si patient 8, isa ring babae na 42-anyos at residente ng Brgy. San Agustin.
Kabilang din sa unang napaulat na nasawi ay si patient 5, residente ng Brgy. Catmon na na-confine at binawian ng buhay sa Lung Center sa Quezon City.
May isa namang pas-yente na residente ng Brgy. Acacia ang gumaling.
Sa huling ulat, ang lungsod ay may 124 PUMs habang 37 naman ang PUIs.
Samantala, nasa 11 na ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa Valenzuela City matapos na isang 46-anyos na babae ang napaulat na kumpirmado kahapon.
Si patient 11 na may ID “VC11” ay nasuri na may Pneumonia.
Ang Valenzuela City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ay magsasagawa ng nasopharyngeal at oropharyngeal swabs sa mga miyembro ng pamilya at kilalang naging close contacts ni VC11.
Masusing mino-monitor ng Valenzuela CESU ang bawat kaso at nagsasagawa na rin sila ng mga kinaka-ilangang hakbang gaya ng contact tracing.
Samantala sa Quezon City, sumipa na sa 151 ang kaso ng COVID sa lungsod, habang 27 ang nasawi dulot ng naturang virus.
Patuloy namang nangangalaga ng mga Person Under Investigation (PUIs) ang quarantine facility ng QC government sa Hope 1 habang ang Hope 2 ay pansamantalang tirahan ng mga health workers na hindi na nakakauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa abala sa pangangasiwa sa mga positibo sa COVID sa mga QC hospitals.
Related video: