MANILA, Philippines — Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office-Regional Special Opertions Group (NCRPO-RSOG) at Valenzuela City Police Station ang isang magka-live-in partner sa isinagawang entrapment operation kaugnay sa iligal na pagbebenta ng alcohol sa Valenzuela City kamakalawa.
Dakong alas- 2:40 ng hapon nitong Biyernes (Marso 27, 2020) nang madakip ang mga suspek na sina Ricky Deliva Dacillo, 44 anyos, checker; at kinakasamang si Leonila Chua, 40, secretary, sa kanilang bahay sa no. 7 Melchor St., Pacheco Village, Balubarang, Valenzuela.
Nasamsam ang 179 container na naglalaman ng tig-20 litro ng alcohol; 168 gallon na may lamang tig-3.6 liters; 63 gallon na may tig-isang litro; 4,000 plastic bottles na tig-25 ml. ng alcohol; at 3 drum na may tig-200 litro ng Isopropyl alcohol na may kabuuang P655, 324.50 halaga.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa The Price Act at Food and Drugs Admnistration Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Ronaldo Genaro Ylagan, ang mga nasakote ay sangkot sa pagsasamantala sa outbreak ng COVID 19 sa pag-iimbak para ibenta sa mas mahal na presyo ang mga alcohol.
Isinagawa ang entrapment operation matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagsasamantala ng mga suspek sa outbreak ng COVID 19 kung saan ay nag-iimbak ang mga ito ng alcohol na ibinebenta sa mas mataas na presyo.
Nabatid sa beripikasyon ng pulisya na walang business permit para magtinda ng alcohol ang mga suspek.