Doktor, timbog sa overpriced thermal scanners

Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor ang nadakip na si Dr. Ced­ric John Sarmiento De Castro, nagpakila­lang chapter president ng Lions Club sa New Manila, Quezon City .

Donasyon ibinebenta pa

MANILA, Philippines — Isang doktor ang dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City dahil sa pagbebenta ng siyam na beses na overpriced na thermal scanners na sinasabing donasyon lamang sa kaniyang organisasyon.

Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor ang nadakip  na si  Dr. Ced­ric John Sarmiento De Castro, nagpakila­lang chapter president ng Lions Club sa New Manila, Quezon City  .

Ayon kay Distor, namonitor nila ang ­operasyon ni De Castro sa pagbebenta ng mga thermal scanners gamit ang isang social media group na naka-private. Nagawa nilang makipagtransaksyon sa suspek hanggang sa presyuhan sila ng P9,300 kada unit malayo sa  tapat na presyo na mula P500 hanggang P1,035 lamang.
“Dahil sa mataas na demand sa thermal scanners, kakaunti na lamang ang suplay nito ngayon na sinasamantala naman ng mga negos­yante,” ayon kay Distor.

Nagpatuloy ang negosasyon hanggang sa magkasundo sa pagbili ng 150 units. Isinagawa ang operasyon nitong nakaraang Martes sa may 13th Street, Mariana, Quezon City. Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin siya ng mga pulis matapos na tanggapin ang marked money sa nagpanggap na buyer.

Nabatid na ipinagmalaki pa umano ni De Castro na ang mga ­ibinibenta niyang thermal scanner units ay mga pasobra lamang sa donasyon na ­ibinigay sa kaniyang organisasyon.

Samantala nauna rito, nakatanggap rin ang NBI ng intelligence report ukol sa talamak na bentahan ng overpriced na ‘gun-type thermal scanner’sa isang tindahan sa may Quiricada Street sa Sta. Cruz. Agad nilang binantayan ang tindahan at natuklasan na ibinibenta ang mga thermal scanners ng P7,500 kada unit.
Dito ikinasa ang entrapment operation nitong nakaraang Lunes na nagresulta sa pagkakadakip kay Richard Suay Beloy nang tanggapin ang P127,500 boodle marked money para sa 17 units ng thermal scanners.  

Show comments