Looting dahil sa lockdown, ‘fake news’

Nagsimula nang mag-repack ng mga relief goods ang pamahalaang lungsod ng Quezon na ipa­mamahagi sa mga naapepektuhan ng lockdown dahil sa COVID-19, ganito na rin ang ginagawa sa lungsod ng Paranaque na ipamamahagi sa mga barangay.
Kuha ni Boy Santos at Edd Gumban

Nagpapakalat hahabulin ng NBI, PNP

MANILA, Philippines — ‘Fake news’!

Ito ang parehong naging pahayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa mga mga kumakalat na balitang magkakaroon ng malawakang looting o nakawan dahil sa gutom dulot naman nang ipinatutupad na total lockdown sa buong Luzon.

Kasabay naman nito pareho ring nagbabala ang dalawang ahensya na hahabulin at kanilang kakasuhan ang naghahasik ng ganitong balita partikular sa social media dahil nagdudulot ito ng kaguluhan at pangamba sa publiko.

Pinakilos na ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor ang Cyber Crime Division (CCD), ang Digital Forensic Division at iba pang Investigative units kabilang ang mga Regional Operations Service para i-trace ang mga taong nagkalat ng mga pekeng balita sa social media.

Kabilang sa mga kuma­kalat ay ang mga post ukol sa bantang pagnanakaw, looting, panghoholdap at ak­yat-bahay ng mga nawalan ng pagkakakitaan makaraan ang pagpapatupad ng ‘enhanced community quarantine’ sa Luzon.

Itinanggi rin ni Distor na hindi totoo na nagpalabas ang US State Department ng pahayag ukol sa ‘global ­looting’ na mararanasan sa loob ng isang buwang lockdown.

“All these reports are baseless and totally untrue,” ayon sa pahayag ni Distor. “The International Operations Division is now gathering relevant data and other information for possible case build up and filing of cases against the perpetrators of fake news,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Distor na sa mga opisyal na communications channel lamang nagpapalabas ng opisyal na pahayag ang US State Department.

Ipapadala ng NBI ang resulta ng kanilang imbestigas­yon sa kalihim ng Department of Justice para sampahan ng kaso ang naturang mga personalidad.  Sinabi rin ni Distor na malaya ang sinuman na kumuha ng klaripikasyon sa NBI sa pagiging tumpak ng kanilang ulat.

Inutos naman ni  PNP chief Director  General Archie Gamboa ang pagdadagdag ng police visibility sa mga lugar na  may report  na nagkakaroon ng nakawan dahil umano sa kawalan ng  makakain bunsod ng  enhanced community quarantine.

Ayon kay Gamboa, ilang reports ang kanilang natanggap na may mga  lugar sa Metro Manila na sapilitan umanong pinapapasok at ninanakawan upang may ­ipangkain.

Subalit ayon naman kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, walang katotohanan ang  mga report.

“Lahat ng mga police commanders ay binigyan na ni PNP chief Gen. Gamboa ng direktiba na increased pre­sence of police sa ating mga lansangan at damihan pa ang ating roving patrol para bigyan ng assurance ang publiko na titiyakin nating wala pong magaganap na disorder sa ating palibot,” ani Banac.

Samantala sa kabila ng kumakalat sa ‘fake news’ sa social media hinggil sa ‘looting incidents’ nagbigay naman ng direktiba si National Capital Capital Region Police Office (NCRPO) chief,  Major General Debold Sinas sa mga hepe ng iba’t-ibang police stations na bigyan ng 24/7 security ang mga supermarket at iba pang posibleng targetin ng mga magnanakaw.

Nabatid na kumalat sa social media ang isang blog na nagsasabi na plano umanong pasukin ng mga pedicab dri­ver ang isang grocery store.

Aniya, wala dapat ­ipangamba ang publiko at makakaasa ang lahat na gagawan ng paraan ng pamahalaan ang lahat para maproteksyunan ang bawat Pilipino.

Umapela rin si Banac sa lahat ng social media users na maging responsable sa pagpopost  ng impormasyon. Hindi dapat naging dahilan para magkaroon ng pangamba ang publiko. Doris Franche, Ludy Bermudo

Show comments