Stay at home giit ni Mayor Joy Belmonte sa mga taga-Quezon City
MANILA, Philippines — Muling nananawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga taga-lungsod na mamalagi na lamang sa kanilang tahanan na isang pangunahing paglaban sa COVID-19.
Sinabi ni Belmonte na umaabot na sa 29 katao ang positibo sa virus mula sa mga barangay sa lungsod.
Ito ay sa Proj 6- (1), San Antonio-1, Bahay Toro-1, Del Monte-1, Maharlika-1, San Isidro Labrador- 1, Bagong Silangan-1, Socorro-1, E Rodriguez-1, Old Balara-2, Ugong Norte-1, White Plains-1, Marilag-1, South Triangle-1, Paligsahan-1, Valencia-1, BL Crame-3, Kalusugan-3, Dona Imelda-1, Pasong Putik-1, Bagbag-1, Tandang Sora-2, Pasong Tamo-1.
Ang mga lugar na ito anya ay matamang binabantayan ng QC police upang hindi makalabas-pasok ang mga tao dito kung wala namang importanteng lakad.
Kaugnay nito, sinabi ni QC Police Director Ronnie Montejo na mula ngayong araw ay nakabantay na ang kapulisan sa naturang mga lugar partikular sa may barangay Kalusugan at Tandang Sora na itinuturing nilang hot zone.
Anya babantayan din ng mga tauhan ang bahagi ng East Avenue at E. Rodriguez partikular sa may St. Lukes area dahil meron ditong doctor at elevator personnel ang nagpositibo sa COVID.
Niliwanag naman ni Mayor Belmonte na may sapat na pagkain na maipagkakaloob ang QC government para sa may 400, families na taga-QC mula March 23 hanggang Abril 5.
Iniulat din ni Belmonte na mayroon na ding hotel sa QC ang maaaring magamit ng mga PUI makaraang pumayag ang may ari na magamit bilang quarantine area dahil sa kakulangan nang espasyo para sa kanila ng mga ospital sa QC.
- Latest