MANILA, Philippines — Iisyuhan ngayon ng Manila Barangay Bureau (MBB) ng tig-iisang ‘home quarantine pass’ ang bawat pamilya sa lungsod upang payagan silang makalabas ng kanilang bahay at makabili ng pagkain at iba pang suplay para sa kanilang pamilya.
Sa memorandum na inilabas ni Romeo Bagay, officer-in-charge/Director ng MBB, kailangang tukuyin ng bawat pamilya ang isang miyembro nila na siya lamang iisyuhan ng pass at siyang magiging opisyal na tagabili ng pangangailangan nila.
“To curve the rise of infection brought about by COVID-19 virus, while at the same time recognizing the need of your constituents to go out of their residences for the purpose of buying food and other necessities, you are hereby required to name one (1) representative per family in your area of jurisdiction that will be provided special authority for the purpose,” ayon sa memorandum.
Inatasan ang mga barangay na ipadala ang listahan ng kinatawan ng bawat pamilya sa kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pag-email sa mbbactiontaken@gmail.com.
Isinailalim rin sa lockdown ang mga barangay 50, 51, 52, 53 at 54 sa Zone 4, District I, Dagupan, Tondo, upang maiwasan na makapasok sa kanilang nasasakupan ang ibang hindi residente ng lugar. Biniberepika pa ng barangay sa Department of Health kung kabilang nga ang naturang residente nila sa talaan ng mga positibo sa virus.
Samantala, binuksan na ni Mayor Isko Moreno ang kanilang Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) na nasa loob ng Sta. Ana Hospital nitong nakaraang Martes para tumanggap ng mga pasyente ng COVID-19.