MANILA, Philippines — Isang Filipino–Chinese na negosyante ang pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem, sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Albert Tan, 60, at residente ng Intramuros, Maynila.
Sa ulat ni P/Corporal Allan Lingcong kay Manila Police District-Homicide Section chief, P/Captain Henry Navarro, dakong alas- 6:10 ng gabi nang maganap ang krimen.
Sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima sa Ongpin St. at may dalang bag at may sumusunod sa kanyang lalaki .
May bagay na nahulog umano sa biktima kaya binalikan at pinulot at dahil sa nakasunod na lalaki na halos nakadikit na sa kanya ay nilingon niya ito bago tuluyang naglakad kung saan dito na bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang lalaki at pinaputukan ng dalawang beses sa katawan ang biktima.
Nakadapa na ang biktima na duguan nang muli siyang paputukan ng suspek at kunin ang kanyang bag.
Mabilis namang lumapit sa crime scene ang kasamahan ng suspek na nagmaneho ng motorsiklo at isinakay ang kasabwat bago humarurot sa Ongpin St., diretso palabas sa direksiyon ng Sta. Cruz Church.
Tatlong basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan.
Patuloy pang inimbestigahan ang kaso.