Full alert idineklara sa NCRPO, 4 pang rehiyon
MANILA, Philippines — Idineklara na ng Philippine National Police ang full alert status sa National Capital Region Police Office maging sa Police Regional Offices sa Region III, (Central Luzon), Region IV-Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), Region IV-B Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan) at Region V Bicol Region kaugnay sa pagtaas sa Code Red Sub-Level 2 sa bansa dahil sa banta ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Sa memorandum ng Directorate of Operations ng Philippine National Police, epektibo ang full alert status kahapon Marso 13.
Ayon sa PNP, ang iba pang police regional offices ay may discretion na magtaas ng alert status depende sa sitwasyon ng kanilang lugar.
Sa ilalim ng full alert status, kanselado ang lahat ng leave ng lahat ng mga pulis upang magamit sa posibleng deployment.
Huwebes nang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsailalim ng Metro Manila sa community quarantine upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 matapos ang patuloy na pagtaas ng bilang nito sa Kalakhang Maynila.
Una nang dineklara ni Duterte ang State of Public Health Emergency dahil na rin sa pagdami ng bilang ng kumpirmadong may COVID-19.
- Latest