Metro Manila police districts nasa ‘heightened alert’ sa COVID-19
MANILA , Philippines — Inilagay sa heightened alert status ngayon ni National Capital Region Police Office Director P/Major General Debold Sinas ang limang police district sa kalakhang Maynila at pinulong ang mga director para sa mga hakbangin kaugnay sa banta ng Coronavirus 2019 (COVID-19).
Ito’y kaugnay na rin ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes na kanselahin ang pasok ng mga estudyante sa mga eskuwelahan mula Marso 10 hanggang 14.
Kabilang sa napagkasunduan na ang mga lugar na pinagtatambayan ng mga kabataang may edad 18 pababa ay puntahan, pagbawalan na gumala at abisuhan na umuwi sa kanilang mga tahanan.
Paliwanag niya, mababalewala ang hakbangin na maprotektahan sa pagsuspinde ng klase ang mga kabataan sa banta ng COVID-19 kung sila ay nakikihalubilo pa rin sa ibang tao.
Umapela rin sa mga magulang si Sinas na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaang magtungo sa mga internet cafe, malls at palengke.
Bukod pa rito ang naka-antabay na Quick Reponse Team na fully equipped ng Personal Protective Equipment (PPEs) sa pagresponde sa suspected COVID-19 cases.
Batay na rin aniya, sa utos ni PNP chief, P/Chief General Archie Gamboa, lahat ng NCRPO schoolings, trainings at seminars na naitakda na ay kinansela at suspendido na rin ang mga paglabas ng bansa at pansamantalang pinahinto ang pagsasagawa ng NCRPO promotion.
Tinatayang halos 40,000 na pulis ang ipapakalat sakaling magdesisyun ang pamahalaan na ipatupad ang lockdown sa Metro Manila dahil sa coronavirus.
Ito ang nabatid din kay Gamboa sa isang ambush interview kahapon.
Ayon kay Gamboa, dapat na makakuha muna ng go signal ang PNP para sa lockdown mula sa Department of Health bagamat siniguro niyang handa ang kapulisan kapag ipinatupad na ito ng pamahalaan.
- Latest