MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ni Quezon City (QC) Mayor Joy Belmonte ang mga suppliers at distributors ng mga counterfeit goods na itigil ang kanilang modus sa pagbebenta ng mga peke at nakaw na paninda sa kanyang hurisdiksyon kundi papatawan niya ng kaparusahan alinsunod sa umiiral na batas ng lokal na pamahalaan.
Ang babala ay inilabas ni Belmonte nang makarating ang ulat sa kanyang tanggapan na may mga fake commodities partikular ang may 1,100 pares ng counterfeit branded rubber shoes ang nai-deliver sa mga local athletes na kakatawan sa QC sa iba’t ibang national sporting events.
Inatasan na ni Belmonte ang City Legal Office na kasuhan ang mga nagsagawa ng paglabag sa Consumer Protection Act (R.A. 7394), Procurement Act (R.A. 9184) at iba pang kahalintulad na batas kapag ito ay napatunayan.
Inatasan din ni Belmonte ang Procurement Department partikular ang Bids and Awards Committee (BAC) sa pamamagitan ng kanilang Technical Working Group (TWG) na busisiing mabuti ang pag-evaluate at pagpili ng mga nanalong bidders para maiwasan ang pag-award ng kontrata hinggil sa pagbili ng mga kalakal sa mga suppliers/distributors.
Pinaiinspeksyon din ng alkalde sa General Services Department ang lahat ng deliveries para matiyak na ang mga kalakal ay sumusunod sa technical specifications at nasa maayos na kalidad ang mga produkto. Pinare-recall din niya ang mga counterfeit shoes upang mapalitan ng bago sumapit ang Marso 14 na ang mga local athletes ay takdang sumabak sa National Festival of Talents sa Isabela at takda ring makiisa sa Palarong Pambansa na gagawin sa Mayo 1 hanggang Mayo 9 sa Marikina City.
Pinaiimbestigahan din nito ang alegasyon na ang delivery ng mga fake commodities sa City Hall ay matagal nang gawain ng nagdaang administrasyon.