MANILA, Philippines — Patay ang isang rider nang pagbabarilin ng riding-in-tandem na ‘Agaw-Motorsiklo Gang’ nang pumalag siya sa pang-aagaw ng mga ito sa kanyang motorsiklo sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.
Idineklarang dead-on-arrival sa UST Medical Center ang biktimang si Jansen Esteban Y Punsalang, 25-anyos, empleyado ng isang BPO company sa Taguig City, at residente ng Aranga Street, Sampaloc, Maynila bunsod ng mga tinamong bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nangangalap naman ng pagbabasehan ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspek na tumakas at minaneho ng isa ang NMAX motorcycle (MV No. 1303-08906530) na kulay gray na pag-aari ng biktima.
Sa ulat ni P/M Sgt. Jansen Rey San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa panulukan ng Dapitan at Algeciras Sts., Sampaloc.
Nabatid na inihatid lamang ng biktima ang nobya sa bahay nito sa Maceda St. at pagsapit sa Dapitan St. ay nakabuntot na ang riding in tandem na sakay ng asul na motrsiklo hanggang sa unahan siya at harangin na sa kanto ng Algeciras St..
Sa puntong iyon ay sapilitang inaagaw ang kanyang motorsiklo na pilit din niyang pinapalagan na ikinairita ng mga suspek at pinaputukan na siya ng sunud-sunod.
Bumagsak ng duguan mula sa kanyang motorsiklo ang biktima kaya nagawang kunin ng mga suspek ang kanyang motorsiklo at pinasibad.
Ilang saksi ang nagdala sa biktima sa kalapit na pagamutan subalit idineklarang patay na ni Dr. Jojo Manahan dakong alas-3:37 ng madaling araw.
Pag-aaralan din ang mga kuha ng close circuit television (CCTV) sa lugar na dinaanan at pinangyarihan ng krimen.