MANILA, Philippines (Update 1, 2:55 p.m.) — Hawak-hawak daw ngayon ng isang armado ang humigit-kumulang 30 hostage sa isang mall sa lungsod ng San Juan, pagkumpirma ng kanilang local government unit, Lunes.
Sa inisyal na impormasyong nakalap ni San Juan Mayor Francis Zamora, dati raw gwardya ang hostage taker na tinanggal kamakailan ng kaniyang pinapasukang security agency: "[N]ag-AWOL siya at bumalik upang gumawa ng ilang demanda," sabi niya sa ulat ng ANC.
"Sinusubukan niyang isama ang iba pang mga gwardya para mag-kudeta laban sa pamunuan ng mall," saad ni Zamora.
Kasalukuyang nakikipagnegosasyon si Zamora sa nasabing gwardya, na hindi na raw napigilang magpaputok ng baril.
"Isa ang sinasabing nabaril kanina. Isinugod na siya sa Cardinal Santos Medical Center," saad ni Zamora. Mayroon din daw granada ang nang-hostage.
Kinumpirma naman ng Greenhills Center Management na kapwa gwardya ang nadali sa insidente.
"Isa pang security guard ang sugatan, ngunit naidala na sa ospital. Prayoridad namin ngayon ay masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado at ng publiko," sabi nila sa isang statement.
Hahayaan daw muna ng pamunuan ang mga otoridad na asikasuhin ang insidente.
Pinag-iingat din ng Greenhills Center management ang lahat sa pagbabahagi ng 'di pa kumpirmadong balita online.
Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, nasa tatlong ambulansya at 11 medic na raw ang ipinadala nila sa V-Mall.
"Nakikipag-ugnayan na kami sa [Philippine National Police] at inabisuhan ang malalapit na balangay ng Red Cross para sa posibleng pagdadagdag. Mag-ingat tayong lahat!" sabi ng senador, na chairman din ng Philippine Red Cross.
Dispatched our three ambulances with 11 medics at the hostage-taking and shooting incident in V-Mall, Greenhills. We are already in coordination with PNP and alerted all nearby Red Cross chapters for possible augmentation. Stay safe everyone! pic.twitter.com/eT2YDb5WJg
— Richard J. Gordon (@DickGordonDG) March 2, 2020
Nagtalaga na rin ng Special Weapons and Tactics-PNP sa mall kaugnay ng insidente.
Sa ngayon, tiniyak naman ni Zamora na malayo na ang mga tao kung saan kasalukuyang nangyayari ang hostage-taking. — may mga ulat mula sa The STAR at News5